Kritikal na pagsusuri sa bulnerabilidad at kamalayang politikal ng mga mangingisdang biktima ng pangongotong sa laot ng Cavite
Issue Date
1-2017
Abstract
Maituturing na krimen ang pangongotong ayon sa mga batas na umiiral sa Pilipinas. Subalit sa kabila nito, lumalaganap at nagpapatuloy ang kultura ng pangongotong sa bansa. Dahil nakasandig ang ekonomiya ng Pilipinas sa agrikultura, nagiging bulnerable sa suliraning ito ang mga mangingisda na pawang nagiging biktima ng iba't ibang uri ng pang-aapi kagaya ng pangongotong. Nakakaambag sa paglala ng suliraning ito ang kanilang kawalan ng kaalaman sa ilang teknikal na bagay patungkol sa kanilang hanapbuhay at kawalan ng batayang rekurso upang maisakatuparan ang kanilang sariling pag-unlad. Ang pagkakaroon ng kakulangan sa mga oportunidad at kakayahan ay maituturing na sanhi kung bakit naisasagawa ng mga maykapangyarihan ang kanilang personal na tunguhin sa mga mangingisda.
Ang bulnerabilidad ng mga mangingisda ay nakaiimpluwensya sa kung anong kamalayan ang mananaig sa kanila. Ang uri ng kamalayang ito ang siyang nagsasakatuwiran sa kung ano ang kanilang gagawin sa sandaling hingan sila ng kotong ng mga ahente ng pamahalaan habang sila ay nasa laot. Ito rin ang magbibigay-paliwanag sa kung paano titingnan ng mga mangingisda ang paghingi ng mga ahente sa kanila ng kotong.
Dalawa ang maaring gawin ng isang mangingisda kapag siya ay hiningan ng nayad ng mga ahente: magbigay o hindi magbigay. Ang kanyang mapipiling aksyon ay babatay sa iba't ibang salik kagaya ng takot sa mga ahente, katapangan upang salungatin ang ahente, at iba pa. Gayunpaman, ang magiging aksyon ng isang mangingisda sa insidente ng pangongotong ay nakabatay pa sa kung anong kamalayan ang mayroon siya. Maaaring subhetibo o obhetibo ang kamalayan ng isang mangingisda. Ang pagkapit sa patalim ng mga mangingisda at ang normalisasyon sa kanilang pagkilos maging ang namamayaning sistema ng impunidad ay manipestasyon ng subhetibong kamalayan. Ang hindi pagbibigay ng kotong at ang kagustuhan na labanan ang mapanamantalang sistema ay pagpapakita ng obhetibong kamalayan. Datapwat may mga pagkakataon na ang dalawang kamalayang ito ay nagtutunggalian sa kaisipan ng mga mangingisda.
Source or Periodical Title
U.P. LOS BAŇOS JOURNAL
Volume
XV
Page
99-108
Document Type
Article
Frequency
annually
Language
Tagalog
Recommended Citation
Jison, John Raymond B., "Kritikal na pagsusuri sa bulnerabilidad at kamalayang politikal ng mga mangingisdang biktima ng pangongotong sa laot ng Cavite" (2017). Journal Article. 3933.
https://www.ukdr.uplb.edu.ph/journal-articles/3933