Gabay sa pag-aaral ng buhay at mga akda ni Gat Jose Rizal
Professorial Chair Lecture
Development Fund Professorial Chair Lecture
Date
6-2000
Abstract
Ang kasalukuyang pag-aaral ay pagbasa sa kabuluhan at gamit ni Rizal sa lipunang Pilipino. Bibigyang diin ang bagong pagbasa sa buhay at akda ni Rizal. Si Rizal ay produkto ng kanyang panahon. Ang kanyang kaisipan ay hinubog ng kanyang mga karanasan sa ilalim ng pamahalaang Kastila. Mayroon nang dalawang paraan ng paglalahad sa naging buhay at papel ni Rizal sa pagsulong lipunang Pilipino. Una ay ang pagtanggap at pagkilala sa historikal na tao at pambansang bayaning si Jose Rizal. Ang ikalawa ay ang pagsamba at pagkilala sa Rizal na Infinito Dios reincarnado, kilala rin bilang Salvador del Mundo (Tagapagligtas ng Daigdig) sa hanay ng mga kapatirang Rizalista.
Ang mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay kabuuan ng kritisismo ni Rizal sa pang-aabuso ng pamahalaang kolonyal at naghahangad ng repormang pulitikal at panlipunan. Pangunahin sa adhikain ay ipakita ang katakawan sa kapangyarihan at kayamanan ng mga Kastila sa Pilipinas, kasama na ang mga Prayle. Ang lumabas ay isang larawan ng mga natibo na nahaharap sa mga suliraning panlipunan. Ang hinahangad ng mga Pilipino ay ang pagbawi ng nawalang prestihiyo at kapangyarihan sa sariling lupa. Ang pagtangkilik sa sariling kultura at buhay ay isinasagawa sa pagpapalaki ng papel ni Rizal maging sa larangan ng pananampalataya.
Si Jose Rizal ang pambansang bayani ng Pilipinas. Pagkaraan ng isandaang taon ng kanyang kamatayan, si Rizal ay hindi na lamang kumakatawan sa karanasang historikal ng kanyang panahon. Nagawa na nitong mapasok ang iba't ibang aspeto ng buhay pambansa. Siya ay kinikilala ng mga may pera at kapangyarihan. Ayon kay Gawlikowski sa kanyang artikulong "Nation: a Mythological Being," ang isang bayan ay nabubuo lamang sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang simbolo na maaaring kumatawan sa karanasan ng lahat. Ito ay maaaring bagay, pangyayari o tao. Sa kaso ng Pilipinas isang malaking tradisyon ang paghahanap ng pakikipag-ugnay sa mga espiritu o engkanto na nasa kaniyang paligid. Sa pagkamatay ni Rizal agad itong itinaas ng mga kapatiran bilang mitikal na simbolo. Sa loob ng diskurso ng mga kapatiran si Rizal ay hindi lamang encanto jubdi siyang Infinito Diyos. Nang siya ay magkatawang lupa bilang Rizal, biuo lamang muli ang nagkawatak-watak na kapangyarihan ng katutubong Diyos. Si Rizal ang tumubos sa Pilipinas ayon sa mga kapatiran at si Rizal pa rin ang muling magbabalik.
Location
UPLB Main Library Special Collections Section (USCS)
College
College of Arts and Sciences (CAS)
Language
Filipino
Recommended citation
Mata, Roberto C., "Gabay sa pag-aaral ng buhay at mga akda ni Gat Jose Rizal" (2000). Professorial Chair Lecture. 806.
https://www.ukdr.uplb.edu.ph/professorial_lectures/806